Wednesday, April 05, 2006

DSS NSTP Programs: Ugnayan ng Teorya at Praktis

Nina Arthur Arnold Alamon, Cherry Amor Dugtong, at John Ponsaran

Bilang pagtugon sa pangangailangan ng isang programang pangkolehiyo na naglalayong ibahagi ang kahalagahan ng pagmamahal sa bayan ng mga kabataan, ang National Service Training Program (NSTP) Act ay naisabatas noong Enero 23, 2005. Isa sa tatlong bahagi ng programa ay ang Civic Welfare Training Service na naglalayong isakatuparan ang serbisyong publiko ng mga kabataan sa pamamagitan ng pakikiisa sa komunidad. Inaasahan na sa pamamagitan nito, mapapalalim ang kamalayang panlipunan ng mga kabataan.

Sa kaso ng Departamento ng Agham Panlipunan, may tatlong magkakaiba subalit magkaka-ugnay na tunguhin (track) ang tatlo nitong programa. Historikal-sosyoholohikal na pag-aaral sa pamilyang Pilipino sa komunidad at pagbuo ng bansa ang tutok ng Area Studies Program. Community Organizing naman ang diin sa Development Studies Program bilang paghahanda na rin sa practicum ng mga mag-aaral sa ikatlong taon. Sa Political Science Program, gender advocacy at disaster management naman ang tuon.

Area Studies Program
Paksa ng kurso ng NSTP-CWTS-Area Studies para sa Akademikong Taon 2004-2005 ang pagbibigay ng historiko-sosyolohikal na pagtalakay at praktikal na eksaminasyon sa kalagayan at katayuan ng pamilyang Pilipino sa komunidad at sa pagbubuo ng bansa. Partikular na layunin ng kurso ang kilalanin ang mga ispesipikong papel ng pamilyang Pilipino sa komunidad at sa pagbubuo ng bansa; mapalaganap ang halagahin/pagpapahalagang Pilipino na mahalaga sa pagpapaunlad ng pamilya at pamayanan; matukoy ang mga kalagayan at problema na kinakaharap ng iba't ibang uri ng pamilya at mga kasapi nito; makapagbahagi ng mga impormasyon, kaalaman, at kakayahan sa mga mag-aaral upang makatulong sa praktikal na interbensyon sa pamilya at pamayanan; at makapagmungkahi ng mga kurikular at extra-kurikular na interbensyon sa usapin ng pamilyang Pilipino.

Tuntungan ang mga layuning ito, naging pangkalahatang tunguhin ng kurso sa taong ito ang pagbubuo ng mga kuwentong buhay sa pamamagitan ng pananaliksik sa aklatan at larangan tungkol sa pamilyang Pilipino. Pinili ng mga mag-aaral na talakayin sa kanilang mga pananaliksik ang iba't ibang mukha ng pamilyang Pilipino sa nagbabagong panahon, na sumentro sa mga alternatibong pamilyang Pilipino gaya ng mga relasyong/ugnayang bakla at lesbian.

Upang matugunan ang mga layunin at tunguhin, hinati ang kurso sa limang pangunahing bahagi. Isinagawa ang una hanggang ikatlong bahagi sa unang semestre samantalang isinasagawa naman ang ika-apat at ikalimang bahagi ngayong ikalawang semestre.

Binigyang-halaga sa unang bahagi na "General Approaches and Methodologies" ang mga lapit at metodolohiya sa pananaliksik na nagbigaay-diin sa pag-aaral ng Kasaysayan bilang disiplina at larangan ng kaalaman at karunungan; paggamit ng Multidisiplinaryong Lapit sa pananaliksik; at paggamit ng MakaPilipinong Pananaliksik lalo ng mga mga metodo ng Kuwentong Buhay, Pagpapakuwento, at Pakikipagkuwentuhan.

Paksa naman sa ikalawang bahagi na "Perspectives on the Filipino Families" ang mga naisagawa nang disiplinal na pag-aaral, pagsusuri, at pag-unawa sa pamilyang Pilipino, lalo na sa Kasaysayan, Antropolohiya, Demograpiya, Sikolohiya, at Sosyolohiya.

Tinalakay naman sa ikatlong bahagi na "General Studies on Filipino Families" ang nilalaman ng dalawang pangunahing teksbuk sa pamilyang Pilipino na Filipino Organization: Traditional Kinship and Family Organization at The Filipino Family bukod pa sa pangunahing batas sa pamilyang Pilipino na Family Code of the Republic of the Philippines.

Kasabay ng pagbaybay sa tatlong bahaging ito, inumpisahan na rin ang pakikipag-ugnay sa non-government organization na Lesbian and Gay Legislative Advocacy Network Philippines, Inc. (LAGABLAB-Pilipinas, Inc.) na katuwang sa pagbubuo ng mga kuwentong buhay sa pamamagitan ng pananaliksik sa aklatan at larangan tungkol sa alternatibong pamilyang Pilipino. Naging batayan ng paggragrado sa unang semestre ang pagdalo sa klase; paglahok sa diskusyon at resitasyon; paglahok sa mga palihan sa biograpiya, henealohiya, at kuwentong buhay; pagbubuo ng balangkas at burador ng pananaliksik kasama ang work plan; pagsasagawa ng presentasyon tungkol sa pananaliksik kasama ang work plan; pagsusumite ng unang bahagi ng salansanan; at pagtugon sa panggitna at pinal na pagsusulit.

Itinatampok naman sa ika-apat na bahagi na "Particular Issues Confronting Filipino Families" ang iba't ibang usapin na nag-uugnay sa pamilyang Pilipino sa mga talastasan ng uri, etnisidad o lipi, relihiyon, kasarian at sexualidad, at gulang o henerasyon lalo na sa konteksto ng kontemporaryong panahon.

Tinatalakay naman sa ikalimang bahagi na "Representing Filipino Families" ang iba't ibang pelikula na pumapaksa sa pamilya, lalo na sa pamilyang Pilipino, kaugnay ng mga talastasan ng uri, etnisidad o lipi, relihiyon, kasarian at sexualidad, at gulang o henerasyon.

Upang mabigyan ng mas malaking panahon ang pagbubuo ng mga kuwentong buhay sa pamamagitan ng pananaliksik sa aklatan at larangan tungkol sa alternatibong pamilyang Pilipino, naging pagkakataon ang halos lingguhang pagkikita para sa pagtalakay ng mga partikular na isyu na iniuugnay sa panonood-pelikula, at pag-uulat sa kalagayan at katayuan ng pananaliksik. Magiging batayan ng paggragrado sa ikalawang semestre ang pagdalo sa klase; paglahok sa diskusyon at resitasyon; panonood-pelikula; pagbubuo ng pinal na papel pananaliksik kasama ang work plan; pagsasagawa ng presentasyon tungkol sa papel pananaliksik; pagsusumite ng ikalawang bahagi ng salansanan; at pagtugon sa pinal na pagsusulit.

Development Studies Program
Inaasahan na sa pamamagitan ng kursong CWTS, mas mapapatibay ang pagsasanay at kaalaman ng mga mag-aaral sa disiplina ng Development Studies. Obhetibo ng kursong ito na pagtibayin ang kritikal na pagsusuri ng mga mag-aaral ukol sa mga isyung may kinalaman sa lipunang kaunlaran. Dahil dito, kinakailangan ang pagsunod at pagpapahalaga sa mga konsepto at prinsipyo ng Development Studies bilang isang disiplina. Ito ay mahalaga lalo na sa ikalawang bahagi o sa CWTS 2 na kung saan inaasahan ang direktang pakikilahok ng mga mag-aaral sa buhay ng mga komunidad.

Unang-una, kinakailangang himayin ang mga kahulugan ng mga konsepto tulad ng "serbisyong publiko," "sibikang kamalayan," atbp. na mga lahad na tunguhin ng programa ayon sa isang kritikal na pamantayan. Ano ang kahulugan ng mga konseptong ito sa konteksto ng sitwasyong pang-ekonomiya at pampulitikal ng bansa? Inaasahan ang mas malalim na pagpapahalaga sa mga konseptong ito upang maiwasan ang pagturing sa NSTP bilang panandaliang taga-salo sa mga pagkukulang ng pamahalaan sa pamamagitan ng libreng serbisyo ng mga mag-aaral. Nararapat ding sundin ang ilang batayang prinsipyo sa gawaing komunidad. Hindi maari ang dagliang paglusong ng sinuman sa isang komunidad na hindi malinaw ang mga obhetibo. Dagdag pa dito ang pagsunod sa mga prosesong dapat pagdaanan.

Malinaw sa mga obserbasyong ito na kinakailangan ang theoretikal na paghahanda upang maging mas makabuluhan ang karanasan ng mga mag-aaral na kumukuha ng kurso. Subalit ano ang maaring gawin ng mag-aaral pagpunta niya sa komunidad? May ilang di-maiiwasang limitasyon ang CWTS 2 na kailangang isaalang-alang.

Dahil iisang semestre lamang ang panahon na nakatalaga para sa kurso, mahirap isakatuparan ang isang maayos at komprehensibong programa para sa iisang komunidad. Subalit maaring ituring ang CWTS 2 bilang pagkakataong malaman ng mag-aaral ang kalagayan ng iba't-ibang komunidad. Sa ganitong paraan, magkakaroon siya ng pagkakataong maintindihan ang iba't-ibang isyung may kinalaman sa lipunang kaunlaran mula sa mga taong direktang dumaranas nito.

Upang magkaroon ng makabuluhang karanasan ang mga mag-aaral sa kanilang pagdalaw sa komunidad, sila ay inaatasang kumalap ng mga talambuhay ng mga personalidad na kanilang makikilala sa mga komunidad. Ipagsasamasama nila ang mga ito upang makabuo ng komprehensibong larawan ng kalagayan ng mga personalidad na kanilang nakilala sa kanilang pagdalaw sa komunidad. Sa pamamagitan ng life-history method na ito, inaasahang makakabuo ang mga estudyante ng profile ng komunidad at ang mga isyung kanilang kinakaharap. Ito ay nagbibigay pagkakataong masuri ng mga mag-aaral kung angkop at sapat ang mga teorya na kanilang natututunan sa classroom. Maari din silang magbuo ng sarili nilang mga pagtingin ukol sa kalagayan ng mga Pilipino batay sa kanilang karanasan sa komunidad.

Sa pagtatapos ng kurso, inaasahang maibabahagi sa mga mag-aaral hindi lamang ang mga kaalaman ukol sa pakikipamuhay, life-history method, at iba pang kritikal na gawain na makakatulong sa kanila bilang mga Development Studies major. Higit sa lahat, inaasahan din na lalawig ang pagtingin ng mag-aaral ukol sa kanyang papel sa lipunan. Sa ganitong paraan, maari nang isabuhay ng estudyante ang tunguhin ng NSTP bilang isang pambansang programa - ang kritikal na pagsasabuhay ng "pampublikong serbisyo" at "kamalayang panlipunan."

Political Science Program
"Mapalawig ang kaalaman ng mag-aaral hindi lamang sa loob ng apat na sulok ng pamantasan, mas higit bigyan siya ng kakayahang maging isang responsable at kapaki-pakinabang na Iskolar ng Bayan."

Ang mga salitang inyong nabasa ay isa lamang sa mga mithiin ng programa ng kursong Agham Pampulitika para sa National Service Training Program-Civic Welfare Training Service o mas kilala sa tawag na NSTP. Napagtanto ng mga guro sa Agham Pampulitika sa pangunguna ng kanilang puno na si Propesor Bobby Tuazon ang oportunidad upang mapalawig ang karanasan ng mga estudyante sa mga tunay na pangyayaring kinakaharap ng isang mamamayan maliban sa kanilang natututunan sa silid-aralan. Ito ang isa sa naging dahilan kung bakit may tatlong bahagi ang NSTP sa Agham Pampulitika. Ninanais ng tatlong programang ito na matugunan ang unang pamantayan at mas higit na mapagyaman ang partisipasyon ng mga kabataan sa paghubog ng ating bansa.

Ang unang bahagi ay naglalayong mabigyan kaalaman at kakayahan ang mga estudyante na makatugon sa pangangailangan sa panahon ng unos at sakuna. Nakipag-ugnayan si Propesor Tuazon sa isang non-government organization na sumasaklaw sa ganitong gawain. Ang Citizens Disaster Response Center (CDRC) ay isang organisasyong nagpapatakbo ng mga programa na tumutulong at nagbabahagi ng kalinga sa mga taong sinawimpalad dala ng bagyo, lindol, at anumang sakuna na maaaring dala ng kalikasan at kapwa. May mga aktibong tauhan ang CDRC na nakahandang rumesponde sa mga nabanggit na sitwasyon. Sila ay eksperto sa pagbibigay ng pangunang lunas gayundin sa mga mas malawak na pangangailangan tulad ng rehabilitasyon. Ang mga estudyanteng kumukuha ng NSTP sa ilalim ng CDRC ay sinasanay sa mga ganitong gawain. Maliban dito ay tinuruan din silang lumabas at makihalubilo sa mga katuwang na komunidad ng CDRC sa iba't-ibang lugar sa Kamaynilaan at karatig na lalawigan. Naging patunay ang kahalagan ng ganitong programa lalo na nang sumaklolo ang 23 na estudyanteng naka-enrol sa programa sa mga napinsala dala ng nakaraang unos sa Quezon.

Pangalawang bahagi ay ang pakikipag-ugnayan sa Center for Women's Resources (CWR) sa ilalim ng pamamahala ni Prop. Cherry Dugtong. Ang 12 estudyante na kinabibilangan ng 5 lalake at 7 babae ay iminumulat sa mga katotohanan hinggil sa mga pangyayari at karanasan ng mga kababaihan at kabataan sa ating lipunan. Ang masalimuot na kuwento ng mga kababaihan ay inilatag at pinag-usapan ng mga estudyante at propesyonal sa CWR. Sila rin ay nakipagtalastasan sa mga kababaihang personal na nakaranas sa pang-aabuso at karahasan sa puri at pagkatao. Ang ganitong pakikipag-ugnayan ang siyang nagbigay kaalaman at kakayahan upang ang mga estudyante ay makiisa sa CWR at kanilang mga katuwang na komunidad sa Kamaynilaan sa pagtatayo ng "women's desk." Ang proyektong ito ay naglalayong mabigyan ng lugar ang mga biktima ng pang-aabuso at karahasan upang malayang makapaglalahad ng pangyayari sa lokal na pamahalaan at mas higit makakahanap ng kakamping tunay na makakaintindi at mangangalaga sa pagsulong ng anumang nararapat na solusyon o kaso. Ang 12 estudyante ay kasalukuyang inilalatag ang mga kakailanganin para sa katuparan ng nasabing proyekto.

Panghuli ay ang bahaging ugnayan sa Council for Health and Development (CHD). Sa unang semestre ay pinasinayanan ito ni Prop. Fatima Castillo; sa kasalukuyan, ito ay nasa ilalim na rin ng pamamahala ni Prop. Dugtong. Ang kurso sa ilalim ng CHD ay may 21 estudyante. Sa loob ng halos pitong buwan, ang nabanggit ay nabigyan na ng kaalaman at kasanayan sa pagbibigay ng pangunang lunas, gayundin sa pagbasa ng ilang instrumento sa paggagamot, at mas higit sa pagtingin sa komunidad hinggil sa kanilang pangangailangan at katayuang pang-kalusugan. Sa mga katuwang na barangay sa Kamaynilaan, ang mga estudyante at CHD ay nakapag-palaganap na ng kaalaman sa pansariling kalinisan, pangangalaga sa nagdadalang-tao, at ibang tulong sa larangan ng kalusugan. Sa kasalukuyan, ang mga estudyante ay abala sa pagtulong sa pananaliksik ukol sa mga napapanahong isyung pangkalusugan. Sila rin ay naghahandang tumulong sa mga misyong medikal ng CHD sa isang karatig lalawigan ng Kamaynilaan, ang Bulakan. Sa gawaing ito ang mga estudyante ay inaasahang tutulong magbahagi ng gamot at ilang mahahalagang kaalamang pangkalusugan.

Sa mga nabanggit, inaasahan na ang mithiin ng mga guro ng Agham Pampulitika at katuwang na NGO ay maabot kahit sa munting paraan at nang sa gayo'y sina Isko't Iska ay mapalapit lalo sa hangaring maging tunay na mga Iskolar ng Bayan.

Sa kabuuan, ang mga programa ng tatlong erya ng Departamento ng Agham Panlipunan ay may iisang layunin na higit na pataasin ang antas ng kamalayan ng kanilang mga mag-aaral ukol sa mga usaping panlipunan. Patunay ito na ang tunay na karunungan at karanasan ay hindi lamang maikakahon sa apat na sulok ng paaralan.


This article was originally posted in Faura, Number 2.

2 Comments:

Anonymous Anonymous said...

Making money on the internet is easy in the hush-hush world of [URL=http://www.www.blackhatmoneymaker.com]blackhat money making[/URL], You are far from alone if you have no clue about blackhat marketing. Blackhat marketing uses little-known or not-so-known avenues to produce an income online.

10:03 AM  
Anonymous Anonymous said...

top [url=http://www.c-online-casino.co.uk/]c-online-casino.co.uk[/url] check the latest [url=http://www.realcazinoz.com/]casino games[/url] free no store reward at the leading [url=http://www.baywatchcasino.com/]baywatchcasino.com
[/url].

9:03 PM  

Post a Comment

<< Home